Tinanggihan ni Vice President Sara Duterte ang panawagan na sumuko si Senador Ronald “Bato” dela Rosa kaugnay ng inilabas na arrest warrant ng International Criminal Court (ICC), iginiit na hindi ito maaaring ipatupad sa Pilipinas dahil hindi umano ito mula sa lokal na hukuman.
Sa isang panayam sa The Hague, Netherlands, sinabi ni Duterte na ang isang arrest warrant na hindi galing sa korte sa Pilipinas ay hindi maaaring ipatupad sa bansa, kaya’t hindi umano dapat isama sa mga panawagan ang pagsuko ni Dela Rosa.
Ang pahayag ay kasunod ng panawagan ng ilang senador na kusang sumuko ang mambabatas sa mga awtoridad kaugnay ng ICC warrant. Si Dela Rosa ay kasalukuyang nasa protective custody ng Senado.
Sa ilalim ng isang resolusyon na inihain ng limang minority senators, iginiit na dapat igalang ng Senado ang judicial at prosecutorial processes, at binanggit ang mga naunang kaso ng ilang dating senador na sumailalim sa legal na proseso gaya nina Juan Ponce Enrile, Leila de Lima, at Antonio Trillanes IV.
Samantala, sinabi rin ni Duterte na nalulungkot siya sa umano’y pag-iral ng interes pulitikal sa halip na unahin ang kapakanan ng publiko, na aniya’y nagdudulot ng pagkawatak-watak sa halip na pagkakaisa.














