Nagpahayag ng pangamba si Bise Presidente Sara Duterte hinggil sa patuloy na pag-uusap tungkol sa Charter change, na aniya’y maaaring magbunsod ng pananatili sa kapangyarihan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. lampas sa kanyang termino.
Sa isang panayam sa The Hague, sinabi ni Duterte na dapat unahin ng administrasyon ang economic recovery sa halip na mga usaping pampulitika, at inakusahan nito ang pamahalaan na gumagamit umano ng resources ng gobyerno laban sa oposisyon sa gitna ng tumitinding tensyon sa pulitika.
Giit ng Bise Presidente, ang mga kasalukuyang hakbang laban sa ilang personalidad ay maaaring sundan pa ng Charter change na aniya’y may mas malawak na implikasyon sa pananatili sa pwesto ng kasalukuyang liderato.
“Una nyan si dating Pangulong Duterte, sunod nyan si Senator Bato at ano pang ibang sinali sa complaint kuno. Ang sunod nyan ay Charter change… Pag pinagusapan na ‘yan, di na ‘yan bababa sa pwesto,” bahagi ng pahayag ni Duterte.
Binanggit din niya ang naunang panayam ni Marcos sa Bloomberg, kung saan tinalakay umano ang posibilidad ng Charter change, na ayon sa kanya ay lalo pang nagpapalakas ng pangamba sa posibleng pagbabago sa political term limits.
Nagbabala rin si Duterte na maaaring magdulot ito ng pangmatagalang epekto sa demokrasya ng bansa, at inulit ang pahayag na nauna nang binanggit ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na dapat maging maingat ang publiko sa ganitong mga usapin.














