Nangako ang House prosecution panel na maglalabas pa ng mas marami at mas matitibay na ebidensiya laban kay Vice President Sara Duterte sa oras na pormal nang magsimula ang impeachment trial.
Ayon kay House prosecution panel member Rep. Ysabel Maria Zamora, ang mga naunang lumabas na impormasyon at ebidensiya ay “patikim” pa lamang ng mas malalaking dokumento at testimonya na ilalahad sa paglilitis.
Dagdag pa niya, mas marami pang ebidensiya ang ihaharap ng panel kapag opisyal nang nagsimula ang impeachment trial.
Kahapon, pormal nang nabuo ang House prosecution team na binubuo ng 11 batikang mambabatas na pawang mga abogado.
Sinabi ni Zamora na kasalukuyang pinaghahati-hatian ng bawat miyembro ang mga isyung kanilang tututukan at ang partikular na bahagi ng kaso na kanilang ihahanda.
Posible umanong mapunta sa kanya ang paghawak sa isyu ng “grave threat,” kaugnay ng umano’y mga pahayag ni VP Sara Duterte laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Giit ni Zamora, inaasahan ang pagbubukas ng mas marami pang ebidensiya na ilalahad sa publiko upang suportahan ang mga alegasyon laban sa bise presidente.














