Iginiit ng ilang mambabatas sa Mababang Kapulungan na wala silang nilabag na batas matapos maisapubliko sa pagdinig ng House committee on justice ang umano’y bank accounts ni Mans Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte.

Dumalo kahapon sa Quezon City Prosecutor’s Office sina Mamamayang Liberal Rep. Leila de Lima at Akbayan Reps. Chel Diokno at Perci Cendaña para sa preliminary investigation kaugnay ng reklamong inihain ni Carpio.

Ayon kay de Lima, isa lamang umano itong diversion sa tunay na isyu at maituturing na harassment laban sa kanila.

Sinabi naman ni Cendaña na ginagawa lamang nila ang kanilang tungkulin bilang mga mambabatas.

Advertisement

Iginiit din ni Diokno na hindi dapat gamitin ang batas upang patahimikin ang mga opisyal na gumaganap lamang ng kanilang mandato.

Sa panig ni Carpio, sinabi ng kanyang abogado na nalabag umano ang karapatan nito sa privacy matapos isiwalat sa pagdinig ang records mula sa Anti-Money Laundering Council o AMLC.

Samantala, naghahanda na rin ang prosecution team ng Kamara para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado na nakatakdang umusad sa Mayo 18.

Ayon kay Manila 3rd District Rep. Joel Chua, inaayos na nila ang mga mosyon, ebidensya, testigo at legal na argumento para sa nalalapit na paglilitis.

Advertisement