Mariing itinanggi ni Sen. Francis “Kiko” N. Pangilinan ang mga espekulasyong inuugnay siya sa umano’y panibagong kudeta sa liderato ng Senado, at nilinaw na wala siyang interes na maging Senate president.
Sa isang social media post, sinabi ng senador na mas nais niyang tutukan ang usapin ng food security kaysa makisali sa usapin ng agawan sa liderato ng Mataas na Kapulungan.
“Hindi po tayo interesado sa pagiging Senate president. Tutulong na lang ako sa kanila. Para sa akin, mas importante ang food security kaysa sa Senate presidency,” ani Pangilinan.
Lumabas ang pahayag matapos maiulat na may ilang senador umanong kumikilos upang muling palitan si Sen. Alan Peter S. Cayetano ilang araw lamang matapos itong maluklok bilang Senate president kapalit ni Sen. Vicente C. Sotto III noong Mayo 11.
Ayon sa mga ulat, may ilang mambabatas na hindi kumbinsido sa estilo ng pamumuno ni Cayetano at nagdududa kung kaya nitong pag-isahin ang Senado sa nalalabing taon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Nauna nang natanggal si Pangilinan bilang chairperson ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform kasunod ng pagbabago sa liderato ng Senado.
Samantala, nakumpleto ni Cayetano ang minimum na 13 boto para maging Senate president sa tulong ng suporta ni Sen. Ronald M. dela Rosa, na muling nagpakita sa Senado matapos ang anim na buwang hindi pagdalo upang makibahagi sa botohan para sa bagong liderato.














