Naghain ng kasong perjury si Atty. Manases Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte, laban kay dating Senador Antonio Trillanes IV sa Pasig City Prosecutor’s Office kaugnay ng umano’y maling pahayag sa isang sinumpaang salaysay.
Nakabatay ang kaso sa affidavit na isinumite ni Trillanes sa House Committee on Justice noong Abril 22, 2026 bilang bahagi ng impeachment proceedings laban sa Bise Presidente.
Sa naturang salaysay, inakusahan ni Trillanes si Carpio at si VP Sara Duterte na may umano’y joint bank accounts na umaabot sa higit P111 milyon noong 2016 at may kaugnayan daw sa ilegal na droga. Mariing itinanggi ito ni Carpio at tinawag na malicious, pekeng akusasyon, at black propaganda.
Giit pa niya, wala siyang bank account na umaabot sa P100 milyon at itinanggi rin ang anumang koneksyon sa ilegal na droga o pagtanggap ng pera mula sa sinasabing drug personality na si “Sammy Uy.”
Ayon sa reklamo, lumabag umano si Trillanes sa Article 183 ng Revised Penal Code dahil sa paggawa ng maling pahayag sa sinumpaang salaysay na isinumite sa Mababang Kapulungan.
Iginiit din ng kampo ni Carpio na ang mga alegasyon ay nakabatay lamang sa hearsay at walang matibay na ebidensya, at binanggit ang mga naunang desisyon at ulat ng Senado at Ombudsman na nagsabing walang sapat na basehan ang mga naunang paratang laban sa kanya.














