Kinumpirma ng International Criminal Court na si dating Pangulong Rodrigo Duterte ay nasa ilalim ng continuous cell monitoring habang nakakulong sa The Hague dahil sa mataas na panganib ng pagkahulog bunsod ng kanyang edad.
Ayon sa ICC Registry, itinuturing si Duterte bilang isang “elderly detained person” na nangangailangan ng mas mahigpit na pagbabantay sa loob ng detention facility.
Ipinaliwanag ng ICC na sa mga bihirang pagkakataon na nadapa ang dating pangulo, agad umanong rumesponde ang custody staff upang tulungan siya at magsagawa ng medikal na pagsusuri.
Gayunman, sinabi ng ICC na wala pang naitatalang insidente ng pagkahulog sa nakalipas na tatlumpung araw.
Dagdag pa ng tribunal, nagsagawa rin sila ng mga kinakailangang adjustments sa selda at kagamitan ni Duterte upang matiyak ang kanyang kaligtasan at kaginhawaan habang nasa kustodiya.
Hindi naman ibinahagi ng ICC ang detalye ng mga iniindang chronic ailments ng dating pangulo dahil sa medical confidentiality.
Si Duterte, na 81 taong gulang, ay nahaharap sa kasong crimes against humanity kaugnay ng kanyang kampanya kontra droga at umano’y pagkakasangkot sa Davao Death Squad.
Noong Abril 23, 2026, kinumpirma ng ICC ang mga kasong murder at attempted murder laban sa dating pangulo.
Ayon sa ICC, layunin ng inilabas na update na ipakita na patuloy nilang binabantayan ang kalusugan at kaligtasan ni Duterte habang nagpapatuloy ang pagdinig sa kanyang kaso.














