Nagsagawa ang Russia ng malawakang nuclear exercises kung saan nagpalipad ito ng nuclear-capable missiles at naglabas ng nuclear munitions sa ilang military units, sa gitna ng tumitinding tensyon sa NATO kaugnay ng digmaan sa Ukraine.
Ayon sa ulat, humigit-kumulang 64,000 tauhan ang lumahok sa isa sa pinakamalalaking nuclear drills ng Russia sa mga nakaraang taon, na layuning subukan ang kahandaan ng kanilang nuclear forces sakaling magkaroon ng agresyon laban sa bansa.
Sa pahayag ni Russian President Vladimir Putin, nananatili umanong huling opsyon ang paggamit ng nuclear weapons, ngunit iginiit niya ang pangangailangang mapanatili ang malakas na nuclear capability ng Russia at Belarus dahil sa lumalaking pandaigdigang banta.
Bilang bahagi ng pagsasanay, nag-test launch din ang Russia ng iba’t ibang missile systems kabilang ang Yars intercontinental ballistic missile, Zircon hypersonic missile, at Sineva ballistic missile.
Ipinakita rin ng Russian military ang ilan sa kanilang nuclear submarines at hypersonic missile systems bilang bahagi ng drills.
Kasabay nito, muling nagpalitan ng maaanghang na pahayag ang Russia at ilang bansang kaalyado ng NATO sa Baltic region, kung saan inakusahan ng Moscow ang mga bansang Baltic na pinapayagan umano ang paggamit ng kanilang airspace para sa drone attacks laban sa Russia—isang alegasyong itinanggi ng NATO.














