Tinawag ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) na overkill ang ginawang pagpapaputok ng baril ng mga kasapi ng Office of the Sergeant-At-Arms (OSAA) sa loob ng Senado matapos makapagtala ng 44 basyo ng bala mula sa insidente.
Ayon kay CIDG Director Major General Robert Alexander Morico II, nakalap nila ang 44 piraso ng basyo mula sa apat na armas na ginamit sa insidente.
Sa naturang bilang, 36 basyo ang mula sa loob ng gusali habang walo ang galing sa labas.
Lumabas sa imbestigasyon na apat ang armas na ginamit, kung saan tatlo ay mula sa OSAA at isa mula sa National Bureau of Investigation (NBI).
Ibinunyag din ng CIDG na 26 na basyo ang mula sa baril na ginamit ni Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca.
Ayon sa opisyal, maituturing na overkill ang nangyari dahil sa dami ng putok mula sa OSAA kumpara sa limang putok lamang na naitala mula sa panig ng NBI.














