Binatikos ni Kalookan Archbishop Cardinal Pablo Virgilio David si Senate President Alan Peter Cayetano matapos nitong iugnay bilang “pro-life” at para sa human rights ang madugong war on drugs ng administrasyong Duterte.
Nag-ugat ang reaksiyon ng kardinal sa naging social media post ni Cayetano noong nakaraang linggo kung saan inilarawan nito ang war on drugs bilang isang kampanya para sa human rights at pro-life advocacy.
Ayon kay Cardinal David, mahirap umano itong sabihin sa harap ng libu-libong biyuda at mga batang naulila dahil sa pagkawala ng kanilang mga mahal sa buhay nang walang legal na proseso.
Dagdag pa ng kardinal, hindi lamang umano basta pinatay ang ilang biktima kundi marami rin ang dinukot, tinortyur, at iniwang nakahandusay sa kalsada na may plastic bag sa ulo at packaging tape sa leeg.
Binigyang-diin din ni David na may seryosong implikasyon sa international law ang naturang mga pahayag.
Ayon sa kanya, ang mga komentong nagbibigay-katwiran o nagpapakitang lehitimo ang extrajudicial killings ay hindi saklaw ng proteksiyon ng malayang pamamahayag.
Babala pa niya, maaari rin itong maituring na pag-uudyok o pagtulong sa crimes against humanity sa ilalim ng Article 25 ng Rome Statute.
Matatandaang si Cardinal David ay isa sa mga pinaka-bokal na kritiko ng war on drugs campaign noong administrasyong Duterte dahil sa umano’y malawakang paglabag sa karapatang pantao.








