Itinakda na ng International Criminal Court (ICC) ang mga susunod na mahahalagang petsa para sa pag-usad ng kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng kinakaharap nitong kasong crimes against humanity.
Kasunod ito ng isinagawang unang status conference noong Mayo 27 sa The Hague, Netherlands kung saan mahigit isang taon nang nakadetine ang dating pangulo.
Ayon sa ICC, nakatakdang idaos ang ikalawang status conference sa Hunyo 23 habang isusumite naman ng prosecution panel ang kanilang initial witness list sa Hunyo 29.
Itinakda naman sa Hulyo 14 ang ikatlong status conference kaugnay ng mga preparasyon para sa paglilitis.
Samantala, hanggang Agosto 31 lamang maaaring magsumite ang prosecution ng kanilang final witness list at mga ebidensiya para sa kaso.
Nakatakda rin ang trial briefing para sa legal representatives ng mga biktima sa Setyembre 28 habang sa Oktubre 30 naman isasagawa ang briefing para sa defense panel.
Inaasahang magsisimula ang paglilitis laban kay Duterte sa Nobyembre 30, 2026, halos dalawampung buwan matapos itong maaresto sa Maynila at dalhin sa The Hague.














