Umabot na sa 13 kaso ng Andes hantavirus ang naitala kabilang ang tatlong nasawi sa outbreak na iniuugnay sa cruise ship travel, ayon sa pinakahuling ulat ng World Health Organization o WHO.

Sa kabuuang bilang, 11 kaso ang kumpirmado sa laboratoryo habang dalawa naman ang tinuturing na probable cases.

Ito na ang ika-apat na ulat hinggil sa outbreak matapos unang ipaalam sa WHO noong Mayo 2 ang mga kaso ng malubhang respiratory illness sa barkong M/V Hondius.

Mula nang huling ulat noong Mayo 13, tatlong bagong kumpirmadong kaso ang naitala mula sa Canada, Netherlands, at Spain.

Advertisement

Samantala, ang dating inconclusive case mula sa Estados Unidos ay napatunayang negatibo at tinanggal na sa talaan.

Ayon sa WHO, lahat ng kaso ay mula sa mga pasahero o crew members ng naturang cruise ship.

Dahil sa mahabang incubation period na maaaring umabot ng anim na linggo, sinabi ng WHO na posible pang may mga bagong kaso na lumitaw hanggang matapos ang naturang panahon.

Sa ilalim ng International Health Regulations o IHR 2005, nakikipag-ugnayan na ang mga National IHR Focal Points upang suportahan ang international contact tracing at monitoring efforts.

Sa kabila nito, sinabi ng WHO na nananatiling mababa ang panganib ng outbreak sa pandaigdigang populasyon ngunit patuloy nilang babantayan ang sitwasyon at magbibigay ng updates kung kinakailangan.

Advertisement