Inanunsiyo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na magsasampa ito ng mga kasong kriminal laban sa mga umano’y “big fish” o malalaking personalidad na sangkot sa kontrobersiyal na flood control scandal.
Ginawa ni DPWH Secretary Vince Dizon ang pahayag nitong Miyerkules, Hunyo 3, kasabay ng kanyang inspeksiyon sa Matalahib Creek Pumping Station sa Quezon City.
Ayon kay Dizon, nakatakdang ihain ng ahensiya ang mga kaso sa Huwebes, Hunyo 4, sa Malolos Regional Trial Court. Gayunman, tumanggi siyang pangalanan ang mga respondent ngunit sinabi niyang pawang mga high-profile personalities ang mga ito at nagmula sa lalawigan ng Bulacan.
“Malalaking tao ito at may mataas na posisyon, ngunit hahayaan muna nating dumaan sa tamang proseso bago ilabas ang kanilang mga pangalan,” pahayag ng kalihim.
Matatandaang nauna nang inaprubahan ng Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng mga kasong kriminal, kabilang ang plunder, laban sa ilang prominenteng personalidad na iniuugnay sa umano’y anomalya sa mga proyekto ng flood control.
Kabilang sa mga naunang nasangkot sa mga reklamong isinampa ang ilang mambabatas at dating mga opisyal ng DPWH, kabilang si Senador Jinggoy Estrada at dating DPWH Secretary Manuel Bonoan, na kapwa itinangging may kinalaman sa mga alegasyon.
Nauna na ring naghain ang DPWH ng mga reklamo laban sa ilang district engineers at private contractors kaugnay ng umano’y maanomalyang mga proyekto na nagkakahalaga ng daan-daang milyong piso sa Bulacan at iba pang lalawigan.
Ayon sa ahensiya, bahagi ito ng mas pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa katiwalian at upang matiyak na mapapanagot ang mga responsable sa umano’y maling paggamit ng pondo para sa mga proyektong pangkontrol sa pagbaha.
Patuloy namang hinihintay ng publiko ang pagsasampa ng mga kaso at ang magiging resulta ng mga imbestigasyong isinasagawa ng mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno.














