Hindi nakakuha ng puwesto ang Pilipinas sa United Nations Security Council (UNSC) matapos mabigo itong makakuha ng kinakailangang two-thirds na boto mula sa General Assembly na may kabuuang 190 miyembro.

Sa ikaapat na round ng botohan, natalo ang Pilipinas sa Kyrgyzstan, na nakakuha ng 142 boto, habang 49 boto lamang ang nakuha ng bansa. Ang naturang puwesto sana ay magbibigay ng pagkakataon sa Pilipinas na makilahok sa mahahalagang desisyon ng UN tungkol sa armas, parusa (sanctions), at mga hakbang militar laban sa agresyon.

Ayon kay Foreign Affairs Secretary Tess Lazaro, iginagalang ng Pilipinas ang naging resulta ng halalan at binati ang Kyrgyz Republic. Dagdag niya, magpapatuloy ang bansa sa pagtutok sa pagsusulong ng kapayapaan, diyalogo, internasyonal na batas, at pakikipagtulungan sa pandaigdigang komunidad.

Sa naturang eleksyon, apat na bansa ang agad na nakapasok: Austria, Portugal, Trinidad and Tobago, at Zimbabwe. Papalitan nila sa Enero 2027 ang Denmark, Greece, Pakistan, Panama, at Somalia.

Advertisement

Ayon kay Philippine Ambassador Jose Manuel “Babe” Romualdez, mahalaga sana ang puwestong ito para sa Pilipinas lalo na sa gitna ng mga isyu sa West Philippine Sea.

Samantala, sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na maaaring nakaapekto sa naging resulta ang umano’y kaguluhan sa pulitika at tensyon sa loob ng bansa, na aniya’y nagdudulot ng negatibong impresyon sa Pilipinas sa mata ng internasyonal na komunidad.

Advertisement