Ipinakita ng Germany ang lakas nito matapos tambakan ang World Cup debutant na Curacao, 7-1, noong Linggo (Lunes sa oras ng Maynila). Bagama’t nakapuntos agad ang Curacao sa pamamagitan ni Livano Comenencia para sa kanilang kauna-unahang goal sa World Cup, mabilis namang bumawi ang Germany sa pangunguna nina Felix Nmecha at Kai Havertz, na nakadalawang goal sa laban. Ito rin ang unang pagkakataon mula noong 2014 na nanalo ang Germany sa kanilang pambungad na laro sa World Cup.
Ayon kay Germany coach Julian Nagelsmann, naging hamon sa simula ang mabilis na pagkapantay ng Curacao ngunit nagawa nilang makontrol ang laro at makaiskor ng pitong goal. Samantala, sinabi ng 78-anyos na coach ng Curacao na si Dick Advocaat na hindi nakakahiya ang matalo nang ganoon kalaki laban sa isang makapangyarihang koponan tulad ng Germany. Susubukan ng Curacao na makabawi sa kanilang mga susunod na laban kontra Ecuador at Ivory Coast sa Group E.
Sa isa pang laban, nakipagtabla ang Japan sa Netherlands, 2-2, matapos ang matinding paghahabol. Unang nakapuntos ang Dutch sa pamamagitan ng header ni Virgil van Dijk, ngunit agad itong tinumbasan ni Keito Nakamura. Muling umabante ang Netherlands sa goal ni Crysencio Summerville bago naisalba ng Japan ang isang puntos sa huling minuto sa tulong ng goal ni Daichi Kamada.
Samantala, nakakuha ng mahalagang 1-0 panalo ang Ivory Coast laban sa Ecuador sa Philadelphia. Akala ng marami ay magtatapos sa tabla ang laban, ngunit sa ika-90 minuto ay naipasok ni Amad Diallo ang panalong goal mula sa assist ni Wilfried Singo. Dahil dito, nakapagtala ng mahalagang tatlong puntos ang Ivory Coast sa kanilang unang laban sa torneo.
Sa labas ng football field, dumating na rin sa Estados Unidos ang koponan ng Iran matapos ang ilang buwang kawalan ng katiyakan dulot ng tensiyong pampolitika. Sinabi ni coach Amir Ghalenoei na naapektuhan ang kanilang paghahanda dahil sa mga isyu sa visa at iba pang komplikasyon, ngunit iginiit niyang nakatuon lamang ang kanilang koponan sa paglalaro. Aniya, layunin nilang katawanin ang lahat ng mamamayang Iranian, maging sa loob man o labas ng Iran, at hindi nila hahayaang maapektuhan ng pulitika ang kanilang kampanya sa World Cup.








