Mas pinaigting ng Naga City Police Office (NCPO) ang kanilang operasyon laban sa krimen sa pamamagitan ng aktibong cyber patrolling at mahigpit na pagpapatupad ng internal cleansing, ayon sa ulat ng pamunuan ng kapulisan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCPT. Daisy Angeles (Spokesperson, Naga City Police Office), sinabi nito na may mga itinalagang “cyber patrollers” na sumailalim sa espesyal na pagsasanay upang masusing bantayan ang iba’t ibang online platforms. Layunin nito na matukoy at masugpo ang mga kriminal na aktibidad na isinasagawa sa internet, kabilang ang mga insidenteng inilalathala sa social media ngunit hindi agad naipapaabot sa mga awtoridad.

Sa kasalukuyan, ginagamit ng mga tauhan ng NCPO ang mga computer at laptop sa kanilang operasyon habang mahigpit na sumusunod sa umiiral na cyber laws at legal protocols upang matiyak na hindi nalalabag ang karapatan ng mga gumagamit ng internet.

Binigyang-diin ni Angeles na nakatuon ang kanilang cyber patrolling sa tatlong pangunahing aspekto: ang tuloy-tuloy na monitoring ng mga online platforms, pagsisiyasat sa mga viral na insidente sa social media, at pagsunod sa legalidad sa lahat ng operasyon.

Advertisement

Samantala, bahagi rin ng kampanya para sa internal cleansing ang regular na random drug testing sa hanay ng mga pulis. Ayon sa NCPO, isinasagawa ang quarterly drug testing at isinusulong din ang “surprise drug testing” upang matiyak na walang pagkakataon ang sinuman na makapaghanda.

Ipinahayag ng pamunuan na ang mga nakaraang pagsusuri ay nagpakitang negatibo ang resulta para sa mga personnel ng NCPO. Gayunpaman, sakaling may magpositibo, daraan ito sa confirmatory test at nararapat na due process bago ang anumang administratibong hakbang.

Ayon pa kay Angeles mahalaga ang integridad ng mga pulis bilang huwaran sa komunidad, at anumang kaugnayan sa ilegal na droga ay makaaapekto sa tiwala ng publiko sa institusyon.

Nananawagan ang opisyal sa patuloy na suporta ng publiko habang ipinagpapatuloy ang kanilang mga hakbang para sa kapayapaan, seguridad, at transparency sa lungsod ng Naga.

Advertisement