Naghain na ng petition for bail ang kampo ng kontratistang si Curlee Discaya sa korte bilang hakbang upang makamit ang kanyang pansamantalang kalayaan habang dinidinig ang kasong kinahaharap nito kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects sa Bulacan.
Ito ang kinumpirma ng kanyang abogado na si Atty. Cornelio Samaniego III sa isang panayam noong Biyernes. Ayon sa abogado, maaari pa ring maghain ng petisyon para sa piyansa kahit ang isang kaso ay itinuturing na non-bailable.
Ipinaliwanag ni Samaniego na nakasalalay pa rin sa korte ang magiging desisyon matapos suriin kung sapat at matibay ang mga ebidensyang iniharap laban sa akusado.
Matatandaang inaresto si Discaya noong Hunyo 8, 2026 matapos siyang sampahan ng kasong malversation of public funds through falsification of documents kaugnay ng umano’y iregularidad sa pagpapatupad ng ilang flood control projects sa lalawigan ng Bulacan.
Sa kasalukuyan, nakapiit si Discaya sa Bulacan Provincial Jail sa Lungsod ng Malolos kasama ang iba pang mga indibidwal na nadawit sa naturang kaso.














