Ihaharap ang isang psychiatrist ng House prosecution bilang testigo para sa Article 4 ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kina House trial spokespersons Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong at Atty. Benjamin Tolosa Jr., layunin ng expert testimony na magsagawa ng objective at siyentipikong pagsusuri sa mga umano’y banta ng bise presidente upang matukoy kung ang mga ito ay seryoso at hindi lamang biro, pasaring, o padalus-dalos na pananalita.
Sinabi ni Tolosa na makatutulong ang testimonya ng psychiatrist upang maipaliwanag ang intensyon sa likod ng mga pahayag at matukoy kung nilayon nitong takutin ang mga tinukoy na indibidwal.
Samantala, iginiit ni Adiong na magiging objective at non-partisan ang pagsusuri ng psychiatrist sa mga pahayag na umano’y may kaugnayan kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Ayon pa sa House prosecution, ang pagkuha ng isang psychiatrist ay hindi upang gawing politikal ang impeachment trial kundi upang matulungan ang impeachment court na maunawaan ang konteksto, intensyon, at bigat ng mga umano’y banta.








