Binigyang-diin ni House Prosecution Spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na maaaring maging pangunahing ebidensya sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang selyadong BIR box na naglalaman ng mga income tax return at iba pang financial documents. Ayon sa kanya, mahalaga ang mga ito upang masuri ang alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman, lalo na kung ihahambing sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng Bise Presidente.

Nilinaw ni Adiong na ang pagbubukas ng kahon ay bahagi lamang ng proseso ng inventory at pagmamarka ng mga dokumento, at hindi pa ito nangangahulugang awtomatikong tatanggapin bilang ebidensya. Gayunman, tumututol pa rin ang kampo ni Duterte sa naturang hakbang.

Sa panig naman ng depensa, sinabi ni Atty. Michael Poa na maaga pa para magbigay ng konklusyon sa isyu, dahil ang Senado bilang Impeachment Court lamang ang may kapangyarihang magpasya sa mga mosyon ng magkabilang panig. Aniya, dapat munang bigyan ng pagkakataon ang depensa na makapagsumite ng sagot bago humantong sa anumang paghuhusga sa publiko.

Dagdag pa ng depensa, ang lahat ng usapin tungkol sa BIR box ay kailangang dumaan sa tamang proseso ng korte.

Advertisement
Advertisement