Sa kabila ng mga naiulat na pagsabog sa madaling-araw sa ilang bahagi ng rehiyon, nananatiling normal ang takbo ng pang-araw-araw na buhay sa Bahrain, kabilang ang trabaho, pag-aaral, at transportasyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Magdalena Belga Astillero (Bombo International News Correspondent In Bahrain), sinabi nito na itinaas ng mga awtoridad ang antas ng seguridad at nananatiling naka-high alert upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan at mga dayuhang manggagawa.
Patuloy naman ang pangamba ng ilang Pilipino sa Bahrain dahil sa posibilidad na lumala at tumagal ang tensyon sa rehiyon. Ayon sa ilang OFW, bumabalik ang takot mula sa mga nakaraang karanasan kung saan naapektuhan ang kanilang hanapbuhay, kaligtasan, at kakayahang makapagpadala ng suporta sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas.
Nagpapatuloy ang pagbibigay ng abiso at gabay ng Embahada ng Pilipinas sa mga Pilipino sa Bahrain, kabilang ang pagpapaalala na manatiling nakikipag-ugnayan at alamin ang mga ligtas na lugar sakaling magkaroon ng emergency. Nakahanda rin ang mga evacuation center bilang bahagi ng contingency plan kung sakaling lumala ang sitwasyon.
Bilang paghahanda, ilang pamilya at employer ang nagsimula nang mag-imbak ng mahahalagang suplay tulad ng pagkain, kandila, at generator dahil sa pangamba sa posibleng pagkaantala ng serbisyo at suplay ng kuryente. Isa rin sa pinakamalaking alalahanin ng mga manggagawa ang posibilidad ng pagsasara ng Strait of Hormuz, na maaaring makaapekto sa presyo ng langis at pangunahing bilihin sa Bahrain at Pilipinas.
Sa ngayon, nananatiling bukas ang mga pangunahing serbisyo sa Bahrain habang patuloy na minamatyagan ng mga awtoridad ang sitwasyon. Hinikayat ang mga Pilipino na manatiling alerto, sumunod sa mga direktiba ng embahada, regular na makipag-ugnayan sa kanilang pamilya, at patuloy na maghanda habang umaasa sa mapayapang resolusyon ng tensyon sa rehiyon.








