Patuloy na hinaharap ng Barangay Caroroyan ang mga hamon sa kaligtasan ng komunidad dahil sa madalas na aksidente sa kalsada, lalo na sa mga gumagamit ng motorsiklo. Kabilang sa mga pangunahing dahilan ang makipot at hindi sementadong bahagi ng daan na puno ng lubak, gayundin ang pagdami ng mga sasakyan mula sa malalaking truck hanggang sa mga SUV na dumaraan sa lugar bilang ruta patungo sa ibang destinasyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Jerry Canave (Barangay Captain, Caroyroyan, Pili, Camarines Sur), nakadagdag sa pagtaas ng daloy ng trapiko ang lokasyon ng 9th Infantry Division sa loob ng kanilang nasasakupan. Bagama’t naglagay na ng mga solar streetlight ang lokal na pamahalaan at barangay upang mapabuti ang seguridad sa gabi, nananatili pa ring panganib ang kawalan ng disiplina ng ilang motorista tulad ng mabilis na pagpapatakbo, paggamit ng open pipe, at pagmamaneho habang nasa impluwensya ng alak.
Bilang tugon sa mga insidente sa kalsada, bumili ang Barangay Caroroyan ng sariling ambulansya noong 2020 upang mapabilis ang pagresponde sa mga emergency. Samantala, nakatakdang ipagpatuloy ang mga proyekto para sa pagpapalawak at pagpapaganda ng kalsada matapos maaprubahan ang pondong nagkakahalaga ng P30 milyon mula sa pamahalaang panlalawigan para sa pagpapagawa ng provincial road sa lugar.
Bukod sa usapin ng road safety, patuloy rin ang kampanya ng barangay laban sa ilegal na droga. Mula noong 2019, idineklara ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang Karoroyan bilang “drug-controlled” na lugar, ngunit sinabi ni Canave na nananatili ang posibilidad ng pagtatangka mula sa mga taga-labas. Aktibo ang Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) at mga auxiliary volunteer sa pagsasagawa ng surveillance at pag-uulat ng kahina-hinalang gawain.
Binigyang-diin ng pamunuan ng barangay na mahalaga ang pagtutulungan ng pamilya, paaralan, at pamahalaan upang mapanatili ang seguridad ng komunidad. Isinusulong ang mga symposium kasama ang DSWD at pulisya, gayundin ang mga sports program para sa kabataan upang mailayo sila sa masasamang bisyo. Hinikayat naman ang mga motorista na maging disiplinado at ang mga residente na agad iulat ang anumang ilegal na aktibidad upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa Barangay Caroroyan.








