Naghain si Senator Francis “Kiko” Pangilinan ng panukalang magtataas sa income tax exemption threshold mula ₱250,000 tungo sa ₱350,000 kada taon upang madagdagan ang take-home pay ng milyun-milyong manggagawang Pilipino.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 2344, layunin nitong amyendahan ang National Internal Revenue Code (NIRC) upang maiayon ang income tax exemption sa kasalukuyang kalagayang pang-ekonomiya at mapalakas ang purchasing power ng mga pamilyang Pilipino.

Ayon kay Pangilinan, unti-unti nang kinakain ng inflation ang kita ng mga manggagawa habang patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Aniya, malaking bahagi ng kinikita ng mga Pilipino ang napupunta sa buwis at tumataas na gastusin, kaya nararapat lamang na mabigyan sila ng karagdagang ginhawa.

Kung maisasabatas ang panukala, magiging exempted sa personal income tax ang unang ₱350,000 ng taunang taxable income. Saklaw din nito ang mga self-employed individuals at professionals na gumagamit ng 8% gross receipts tax regime.

Advertisement

Kasama rin sa panukala ang pagtataas ng income thresholds ng iba pang tax brackets. Itataas sa ₱500,000 ang threshold para sa 15% tax rate, ₱1 milyon para sa 20%, ₱2.5 milyon para sa 25%, at ₱8 milyon para sa 30% tax rate.

Ayon pa kay Pangilinan, umaayon ang panukala sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na itaas ang personal income tax exemption upang mabawasan ang pasanin ng mga manggagawa sa gitna ng patuloy na pagtaas ng halaga ng pamumuhay.

Advertisement