Nagbabala si Professor Danilo Araña Arao, University of the Philippines Diliman College of Media and Communication (UPD CMC), na maaaring magdulot ng chilling effect sa hanay ng mga mamamahayag ang pagpatay kay Adrian, na mas kilala bilang “Golden Boy Lorette,” sa San Roque, Daraga, Albay.
Sa panayan ng Bombo Radyo Naga kay Professor Danilo Araña Arao, University of the Philippines Diliman College of Media and Communication (UPD CMC), sinabi nito na bagama’t hindi pa malinaw kung may kaugnayan sa trabaho ang pamamaslang o nag-ugat sa personal na alitan, maaari itong magdulot ng takot at pag-aalinlangan sa mga mamamahayag. Aniya, patuloy na banta sa malayang pamamahayag ang mga kaso ng pagpatay, pagbabanta, red-tagging at iba pang uri ng panggigipit.
Kinondena rin niya ang kultura ng impunity o kawalan ng pananagutan sa mga karahasang laban sa media. Binigyang-diin niyang hindi dapat manaig ang takot at sa halip ay kailangang panagutin ang mga responsable sa mga ganitong insidente.
Nanawagan din si Arao sa Philippine National Police (PNP), partikular sa mga imbestigador sa Daraga, na agad isapubliko ang resulta ng imbestigasyon upang malinawan ang motibo sa pagpatay at makamit ang hustisya para sa biktima.
Hinimok naman niya ang mga mamamahayag at journalism students na patuloy na ipaglaban ang malayang pamamahayag sa kabila ng mga banta. Binigyang-diin niyang kailangan ang kolektibong pagkilos upang wakasan ang karahasan laban sa media at matiyak ang ligtas na kapaligiran para sa paghahatid ng makatotohanang impormasyon sa publiko.







