Iginiit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi nakikipag-away ang Pilipinas sa China o sa anumang ibang bansa, kasunod ng pahayag ni Vice President Sara Duterte sa Hong Kong na dapat iwasan ng mga opisyal ng pamahalaan ang pakikipagtunggali sa ibang bansa, kabilang ang China, sa gitna ng patuloy na tensyon sa West Philippine Sea.

Ayon kay AFP Spokesperson for the West Philippine Sea Retired Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, ipinaglalaban lamang ng Pilipinas ang mga karapatang ipinagkaloob dito, kabilang ang maritime entitlements, sovereignty at sovereign rights.

Binigyang-diin din ni Trinidad na layunin ng AFP at Department of National Defense na matiyak na maipapamana sa susunod na henerasyon ng mga Pilipino ang isang buo, malaya at nagsasariling bansa.

Giit pa niya, wala namang inaangkin ang Pilipinas na hindi nito pagmamay-ari, kaya hindi makatarungang ituring na ito ang nagpapasimula ng kaguluhan.

Advertisement

Dagdag pa ni Trinidad, tungkulin at moral na pananagutan ng bawat Pilipino na ipagtanggol at pangalagaan ang pambansang interes ng bansa.

Advertisement