Isinusulong ng City Environment and Natural Resources Office (City ENRO) ang pagtatayo ng sewerage system sa Lungsod ng Naga upang matugunan ang problema sa wastewater na nakaaapekto sa kalidad ng tubig sa mga ilog at iba pang daluyan ng tubig sa lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Marvin Sagun, hepe ng City ENRO, sinabi nitong matagal nang bahagi ng 10-Year Action Plan for Water Quality Management sa Ilog Naga ang pagtatayo ng sariling sewerage system ng lungsod.

Noong nakaraang buwan, nagsumite na ang kanilang tanggapan ng concept paper sa Department of Public Works and Highways (DPWH) upang maisailalim sa feasibility study ang proyekto sa ilalim ng National Sewer Research and Sewerage Program.

Ipinaliwanag ni Sagun na sa pamamagitan ng sistemang ito, kokolektahin ang wastewater mula sa mga kabahayan at establisimyento at dadalhin sa isang treatment facility upang linisin bago ito itapon sa mga ilog.

Advertisement

Sa kasalukuyan, wala pang sentralisadong sewerage system sa Lungsod ng Naga. Umaasa pa rin ang malalaking establisimyento sa kani-kanilang wastewater treatment facilities, habang minomonitor naman ng City ENRO ang mga grease trap, oil and water separator, at septic tank ng maliliit na establisimyento.

Gayunman, ayon kay Sagun, hindi pa sapat ang mga hakbang na ito upang matiyak ang kalinisan ng tubig na dumadaloy sa mga river system.

Sinabi rin ni Sagun na Class C ang klasipikasyon ng Ilog Naga, na maaari umanong gamitin sa irigasyon, industriyal na gawain, pangingisda at paglalayag, ngunit hindi para sa mga aktibidad na panlibangan dahil sa polusyon nito.

Samantala, Class B naman ang klasipikasyon ng mga ilog sa mga upland barangay na maaari umanong gamitin para sa paliligo.

Sa pamamagitan ng planong sewerage system, matitiyak na daraan muna sa wastong proseso ng paggamot ang wastewater mula sa mga kabahayan at establisimyento bago ito makarating sa Ilog Naga.

Ginawang halimbawa ni Sagun ang Singapore, na may mga pasilidad para sa paggamot ng maruming tubig, kung saan ang nagamit nang tubig ay maaari pang linisin at i-recycle para sa iba pang gamit.

Pagdating naman sa pondo, posibleng mangailangan ng daan-daang milyon hanggang bilyun-bilyong piso upang maisakatuparan ang proyekto.

Sa ngayon, hinihintay pa ng City ENRO ang update mula sa DPWH kaugnay ng estado ng kanilang panukala.

Habang hinihintay ang proyekto, patuloy namang naghahanap ang City ENRO ng mga alternatibong paraan upang mabawasan ang polusyon. Kabilang dito ang paggamit ng filtration system sa mga kabahayan na gumagamit ng buhangin at graba bilang pansala sa wastewater mula sa mga kusina.

Kaugnay nito, nanawagan si Sagun sa mga residente na iwasang direktang magtapon ng wastewater sa mga ilog at sapa, maglagay ng grease trap sa kanilang mga kusina, at patuloy na makiisa sa pagpapanatili ng kalinisan ng kapaligiran.

Advertisement