Pinagtuunan ni Senator-Judge Sherwin Gatchalian ang umano’y P2.1 milyong ibinayad ng GenCorp kay Vice President Sara Duterte, gayong nasa P46,000 lamang umano ang kanyang inilagak na puhunan sa Davao Bounty.
Ayon kay Gatchalian, mahalagang matukoy kung ang naturang halaga ay pagbabalik lamang ng orihinal na investment o kabilang na rito ang kinita mula sa negosyo.
Naging bahagi rin ng pagtatanong ang 19 na kontratang nakuha ng GenCorp mula sa Davao City Local Government Unit (LGU) sa pagitan ng 2022 at 2025. Dahil dito, inusisa ng senador kung may posibleng conflict of interest sa naturang mga transaksyon.
Gayunman, iginiit ng testigo ng depensa na si Atty. Suzette Balucanag-Punay na walang conflict of interest dahil hindi naman direktang bahagi ng Davao City LGU si Duterte.
Bilang tugon, binanggit ni Gatchalian na ang kapatid ng Bise Presidente na si Sebastian Duterte ang kasalukuyang alkalde ng Davao City.








