Naghain ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) ng civil forfeiture case na sumasaklaw sa mga bank account ni dating House Speaker Martin Romualdez. Kinumpirma ito ni AMLC financial investigator Jan Mark Busa sa pagdinig sa Sandiganbayan Third Division.

Ayon kay Busa, nagsumite rin ang AMLC ng petisyon para sa freeze order at aplikasyon para sa bank inquiry, na kapwa pinagbigyan ng Court of Appeals. Bahagi ang mga hakbang na ito ng imbestigasyong isinagawa kasunod ng referral mula sa Office of the Ombudsman.

Sa pagsusuri ng AMLC, natukoy ang kabuuang 1,951 transaksiyon sa 35 bank account ni Romualdez mula Abril 2003 hanggang Oktubre 2025. Umabot sa P3.9 bilyon ang halaga ng mga transaksiyon bago siya pumasok sa politika, habang P4.5 bilyon naman ang naitala mula Hunyo 2022 hanggang Setyembre 2025, noong nanunungkulan siya bilang House Speaker. Sa panig ng depensa, iginiit na may dati na siyang mga negosyo at investment bago pa man pumasok sa politika.

Sa cross-examination, nilinaw ni Busa na walang natukoy ang AMLC sa mga bank record na deposito o transfer mula sa mga contractor, Department of Public Works and Highways (DPWH), o dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co na direktang pumasok sa mga account ni Romualdez. Gayunman, sinabi niyang hindi kasama sa pagsusuri ang mga cash inflow na hindi dumaan o naitala sa sistema ng mga bangko.

Advertisement

Nahaharap naman si Romualdez sa kasong plunder kaugnay ng umano’y P7.44-bilyong kickback mula sa mga flood control at infrastructure project noong 2022 hanggang 2025.

Advertisement