Posibleng lumampas sa tatlong milyon ang target ng Commission on Elections (COMELEC) na maidagdag na mga bagong rehistradong botante para sa 2028 National and Local Elections, kasunod ng mataas na bilang ng mga nagparehistro sa unang dalawang araw ng voter registration.
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, umabot na sa halos 80,000 ang mga aplikasyon na naitala sa buong bansa mula nang buksan ang pagpaparehistro noong Nobyembre 10.
Mas mataas ito kumpara sa kaparehong panahon noong Agosto 2025, kung kailan nasa 20,000 lamang ang naitalang aplikante sa unang dalawang araw.
Ikinatuwa rin ni Garcia ang aktibong partisipasyon ng mga kabataan, partikular ng mga nasa edad 17 at 18, na nagpapakita ng kanilang interes na makilahok sa mga susunod na halalan.
Samantala, kabilang sa mga nakikitang dahilan ng mahabang pila sa ilang registration sites, gaya ng Luneta Park, ang pangangailangan ng mga estudyante na kumuha ng voter certification bilang bahagi ng mga requirement sa kanilang paaralan.
Dahil dito, nakipag-ugnayan na ang COMELEC sa mga paaralan upang hilinging bigyan ng karagdagang panahon ang mga estudyante para makapagparehistro.
Magpapatuloy ang voter registration hanggang Hulyo 30, 2027, kung saan layunin ng COMELEC na madagdagan ng tatlong milyon ang mga botante at maitaas sa 74 milyon ang kabuuang bilang ng mga rehistradong botante bago ang 2028 elections.














