Tuluyan nang nagbitiw bilang drummer ng sikat na British band na Duran Duran si Roger Taylor dahil sa lumalalang problema sa kaniyang pandinig.
Ayon sa drummer, nakararanas siya ng paghina ng kaniyang pandinig dulot ng tinnitus. Pinayuhan din siya ng kaniyang doktor na pansamantalang itigil ang pagtugtog ng drums upang hindi na lumala ang kaniyang kondisyon.
Sa inilabas na pahayag sa social media, inilarawan naman ng banda ang pag-alis ni Taylor bilang isa sa pinakamalungkot na pangyayari para sa kanilang grupo.
Ibinahagi rin ni Taylor na ang pagtugtog ng drums kasama ang Duran Duran ay isa sa pinakamalaking kaligayahan sa kaniyang buhay.
Nagpasalamat din siya sa kanilang mga tagahanga sa patuloy na pagmamahal at suporta, at hinikayat ang mga ito na patuloy na suportahan ang banda.
Matatandaang nabuo ang Duran Duran noong 1978 sa pangunguna ng keyboardist na si Nick Rhodes at bassist na si John Taylor, kasama si Roger Taylor na hindi niya kamag-anak.
Noong sumunod na taon, nadagdag sa grupo ang guitarist na si Andy Taylor at vocalist na si Simon Le Bon.
Kabilang sa mga sumikat nilang awitin ang “A View to a Kill,” “Hungry Like the Wolf,” at “The Reflex,” at maraming pang iba.








