Nakapagtala ng kasaysayan ang Filipino singer na si Carmelle Collado matapos masungkit ang kampeonato sa kauna-unahang Eurovision Song Contest Asia.

Dahil sa kaniyang panalo, kinilala siya bilang kauna-unahang champion ng nasabing regional singing competition.

Inawit ni Carmelle ang kantang “Sobra-Sobra,” na isinulat nina Nica del Rosario at Mat Olavides, at nakakuha ng kabuuang 211 puntos.

Nanguna siya sa Jury Voting matapos makapagtala ng 93 puntos, habang nakakuha naman siya ng 118 puntos mula sa audience votes.

Advertisement

Pumangalawa sa kompetisyon ang Thailand representative na sina Mang x Daou na may 170 puntos, habang pumangatlo naman si Toc Tien ng Vietnam na nakakuha ng 164 puntos.

Ayon kay Carmelle, umaasa siyang magbubukas ang kaniyang pagkapanalo ng mas maraming oportunidad, hindi lamang para sa kaniyang sarili kundi maging para sa Original Pilipino Music (OPM).

Nais din niyang makatulong na mas makilala at matuklasan ng mas maraming tao sa ibang bansa ang mga awiting Pilipino.

Bilang kauna-unahang kampeon ng Eurovision Song Contest Asia, inaasahang kakatawanin ni Carmelle ang Asya sa Eurovision Song Contest 2027 na gaganapin sa Burgas, Bulgaria.

Advertisement