Umabot na sa 27 indibidwal ang nagparehistro bilang mga bagong botante sa bayan ng Buhi, Camarines Sur, mula nang buksan ang voter registration noong Nobyembre 10 bilang paghahanda sa 2028 National and Local Elections.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Perfecto V. Llanza Jr., Election Officer IV ng COMELEC-Buhi, sinabi nito na tumatanggap sila ng mga aplikasyon mula Martes hanggang Sabado, alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon, kabilang ang mga araw ng Sabado at mga holiday.

Ayon kay Llanza, walang itinakdang bilang ng mga aplikante na kailangang maabot ng kanilang tanggapan. Sa halip, target nilang mapuntahan ang lahat ng 38 barangay sa pamamagitan ng satellite registration bago ang huling araw ng pagpaparehistro sa Hulyo 30.

Partikular ding bibigyan ng pansin sa nasabing programa ang mga residente mula sa malalayong lugar, kabilang ang mga senior citizen at persons with disabilities (PWDs) na nahihirapang pumunta sa tanggapan ng COMELEC.

Advertisement

Binigyang-diin ni Llanza na may mga residenteng nagmumula pa sa malalayong barangay ang nagtutungo sa kanilang tanggapan upang magparehistro o magpa-transfer ng kanilang voter registration, lalo na ang mga walang ibang valid identification card na magagamit sa pagproseso ng kanilang National ID.

Samantala, nagpapatuloy rin ang information campaign ng COMELEC-Buhi sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga barangay captain, Sangguniang Bayan, at pagpapalabas ng mga anunsyo sa kanilang opisyal na Facebook page.

Hinimok din nito ang mga kwalipikadong residente na hindi pa nakakapagparehistro, gayundin ang mga hindi nakatitiyak kung aktibo pa ang kanilang voter registration, na magtungo sa kanilang tanggapan upang ipaberipika ang kanilang mga rekord.

Ipinaalala rin sa mga aplikante na magdala ng kahit isang katanggap-tanggap na identification card bilang pangunahing rekisito sa pagpaparehistro.

Tiniyak ni Llanza na patuloy nilang pagsisikapang ilapit ang serbisyo ng COMELEC sa mga residente, partikular na sa mga kabilang sa mga vulnerable sector.

Advertisement