Nasawi na ang Irish boxer na si Lee “El Champo” Reeves matapos ang tatlong buwang pagkaka-coma kasunod ng matinding pagkatalo sa isang boxing match noong Agosto 1 sa Dublin, Ireland.
Nakasagupa ni Reeves si Gary Cully para sa BUI Celtic Light-Welterweight title, ngunit hindi nito naipagpatuloy ang laban matapos mapabagsak nang dalawang beses sa ika-10 round.
Dinala agad siya sa ospital at sumailalim sa operasyon bago inilagay sa medically induced coma dahil sa malubhang pinsala.
Nagbigay naman ng pakikiramay ang kaniyang coach na si Jonathan O’Brien at ang nakalaban niyang si Cully, bilang pagkilala sa kaniyang katapangan at magandang pagkatao.
Kilala rin si Reeves sa pagsusulong ng mental health awareness at pagiging ambassador ng Limerick Treaty Suicide Prevention Group, bukod sa kaniyang karera sa boksing.








