NAGA CITY- Tiniyak ng Commission on Elections na 100% na handa ang kanilang tanggapan para sa nalalapit na plebisito sa Nobyembre 21.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Atty. Maico T. Julia Jr., Election Officer IV, sinabi nitong natapos na ang mga paghahanda para sa nalalapit na botohan kasunod ng pagtanggap ng 119,000 balota at iba pang accountable forms na gagamitin sa halalan.

Ayon kay Julia, dumating ang mga balota mula sa COMELEC Warehouse sa Laguna noong Nobyembre 16, dakong alas-5:30 ng hapon.

Kabilang sa mga nakumpletong paghahanda ang inspeksiyon sa mga voting center, pagsasagawa ng seminar para sa mga gurong magsisilbing electoral board, at pakikipag-ugnayan sa PNP para sa seguridad.

Advertisement

Nakipag-ugnayan din ang komisyon sa NGCP at Casureco upang matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng kuryente sa araw ng plebisito.

Bibigyang-prayoridad sa pagboto mula alas-5:00 hanggang alas-7:00 ng umaga ang mga senior citizen, PWDs, at mga buntis. Samantala, regular na tatanggap ng mga botante mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon.

Samantala, isinagawa naman ngayong araw sa City Treasurer’s Office ang pagbubukas, pagsusuri, at pagsasaayos ng mga opisyal na balota na gagamitin sa nalalapit na plebisito.

Nakatakdang simulan bukas, Nobyembre 20, ang maagang pamamahagi ng mga ballot box sa mga malalayong barangay at voting center. Samantala, ang iba pang paaralan ay makatatanggap ng kanilang mga balota sa madaling-araw ng Nobyembre 21.

Hinikayat naman ang lahat ng rehistradong botante na makilahok sa plebisito at gamitin ang kanilang karapatang bumoto sa pamamagitan ng pagpili ng YES o NO sa panukalang pagbabago sa pagiging Highly Urbanized City ng lungsod ng Naga .

Advertisement