Dalawang bagong nagpakilalang testigo ang humarap sa publiko upang ilahad ang kanilang mga nalalaman kaugnay ng umano’y paghahatid ng maleta-maleta at malaking halaga ng pera sa pamilya Duterte.
Ayon kay alyas “Chris,” na nagpakilalang dating driver na may kaugnayan kay dating House Speaker Lord Allan Velasco, umabot umano sa 35 hanggang 40 maleta ang kanilang inihanda para sa mga delivery.
Inilahad niya na tumagal nang halos tatlong araw ang kanilang biyahe patungong Davao kasama ang kanilang head driver na si Victor Sioco. Kabilang umano sa mga pinuntahan nila ang bahay ni Vice President Sara Duterte.
Dagdag pa ni Chris, ang ilan sa mga maleta ay nakabalot sa mga karton, habang ang iba naman ay binalutan ng mga dekorasyon na inilarawan bilang mga munting regalo para kay Duterte.
Samantala, naglahad din ng kanyang salaysay si alyas “Alex,” na nagpakilalang dating tauhan ni Davao City 1st District Representative Paolo “Pulong” Duterte. Ayon sa kanya, nagsilbi siya sa kampo ni Duterte simula pa noong 2007.
Ibinunyag ni Alex ang tungkol sa mga ari-arian at property na iniuugnay kay Pulong at sinasabing itinatago sa iba’t ibang lugar sa Davao City, kabilang ang mga pribadong resort.
Inilahad din ni Alex ang umano’y pisikal na pananakit at pagmamalupit ni Pulong sa kanyang mga tauhan, na aniya’y ilang taon niyang tiniis at naging dahilan din ng kanyang pag-alis sa dating trabaho.
Ayon sa dalawang testigo, nagpasya silang magsalita upang maiparating sa publiko ang kanilang mga nalalaman tungkol sa mga naturang usapin.
Nanawagan din sila kay dating House Speaker Lord Allan Velasco na magpakita at patotohanan ang kanilang mga isinalaysay.
Matatandaang nauna na ring nagpakilala si Rodulfo Gracioso, na naglahad ng kaugnay na mga alegasyon at nagsumite ng sinumpaang salaysay o sworn affidavit sa National Bureau of Investigation (NBI).
Sa ngayon, patuloy umanong nakikipag-ugnayan ang mga testigo sa mga kinauukulang awtoridad para sa mga susunod na hakbang kaugnay ng kanilang mga testimonya.













