Ipinaliwanag ng isang eksperto ang mga posibleng kasong legal at kaukulang parusa na maaaring kaharapin ng mga indibidwal na nagpapakalat ng bomb threat o gumagawa ng bomb joke, partikular na sa loob ng mga paaralan.

Kasunod ito ng mga naiulat na insidente ng bomb threat sa ilang paaralan at unibersidad sa Naga City na nagdulot ng pangamba sa mga estudyante, guro, at iba pang kawani ng mga nasabing institusyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Atty. Clarence Joseph M. Ronquillo, isang trial lawyer, ipinaliwanag nito ang legal na pananagutan ng sinumang nagbibigay ng maling impormasyon tungkol sa presensya ng bomba o nagpapahayag ng banta na maaaring magdulot ng takot sa publiko.

Ayon kay Ronquillo, hindi nangangahulugang ligtas na sa legal na pananagutan ang isang indibidwal dahil lamang sa pagsasabing biro ang kaniyang ginawang pagbabanta.

Advertisement

Mahalaga umanong suriin ang mga pangyayari, intensyon, at epekto ng nasabing pahayag upang matukoy kung may naganap na paglabag sa batas.

Posible rin umanong magkaroon ng iba pang pananagutang legal ang mga mapatutunayang sangkot sa naturang gawain, depende sa bigat at mga sirkumstansya ng insidente.

Sa mga ganitong sitwasyon, hindi lamang ang seguridad ng mga estudyante at guro ang nakataya kundi pati na rin ang normal na operasyon ng mga paaralan, dahil maaari itong magresulta sa suspensyon ng klase, agarang paglikas ng mga estudyante, at pagsasagawa ng security inspection ng mga awtoridad.

Dahil dito, binigyang-diin ang kahalagahan ng pagiging responsable sa mga sinasabi at ipinapakalat, partikular na sa social media, dahil ang bomb threat ay hindi simpleng biro kundi isang seryosong usapin na maaaring magdulot ng legal na konsekuwensya.

Advertisement