Umaasa ang Office of the Ombudsman na mapabibilis ang pagresolba sa kasong kinakaharap ni dating House Speaker Martin Romualdez kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control project.

Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, posibleng matapos sa loob lamang ng isang taon ang kaso kasunod ng pagsuko sa mga awtoridad ni Felicito Guevarra, presidente ng Samchan Foreign Exchange Corp. at kapwa akusado ni Romualdez.

Ibinalik umano ni Guevarra sa pamahalaan ang halagang P324 milyon, na sinasabing katumbas ng kanyang komisyon o kinita mula sa transaksyon.

Dahil dito, inaasahang magsisilbi siyang mahalagang testigo sa paglilitis laban kay Romualdez. Nilagdaan na rin ni Remulla ang immunity agreement na magbibigay-daan upang maging state witness si Guevarra.

Advertisement

Ayon pa kay Remulla, nais niyang maiwasan ang anumang delaying tactics upang hindi na tumagal ang proseso ng kaso.

Kung dati ay maaaring umabot ng hanggang 15 taon bago tuluyang maresolba ang ganitong kaso, inaasahan niyang mapaiikli ito sa isang taon kung magiging maayos ang takbo ng imbestigasyon at paglilitis.

Matatandaang sumuko si Guevarra sa National Bureau of Investigation (NBI). Kabilang siya sa mga akusado nina Romualdez at dating Ako-Bicol party-list Representative Zaldy Co sa umano’y maanomalyang mga kontrata para sa flood control projects.

Nahaharap sina Romualdez at Co sa kasong plunder na may kaugnayan sa halagang P7.44 bilyon. Kapwa naman itinanggi ng dalawa ang mga alegasyong ibinabato laban sa kanila.

Advertisement