Hindi mag-aaksaya ng panahon ang Gilas Pilipinas at kaagad na sisimulan ang kanilang ensayo pagdating sa Malaysia bilang paghahanda sa Fifth Window ng FIBA Basketball World Cup Asian Qualifiers.

Nakarating na sa Malaysia ang pambansang koponan matapos bumiyahe ang karamihan sa mga manlalaro mula sa Pilipinas. Kabilang sa mga ito sina Kai Sotto, Dwight Ramos, Kevin Quiambao, Scottie Thompson, Cjay Perez, Troy Rosario, Chris Newsome at Juan Gomez de Liano.

Samantala, direktang bumiyahe naman mula Japan sina AJ Edu, Mike Phillips at Quentin Millora-Brown upang makasama ang koponan.

Inaasahan namang makasasama sa Gilas sa mga susunod na araw si Beannie Boatwright matapos nitong tapusin ang ilang commitment sa kanyang Chinese ballclub.

Advertisement

Ayon kay Gilas head coach Tim Cone, sapat na ang anim na araw na paghahanda para maihanda ang koponan sa nalalapit na mga laban. Umaasa rin siya na agad na makukuha ni Boatwright ang sistema at estratehiya ng kanilang laro.

Nakatakdang harapin ng Gilas Pilipinas ang Syria sa Nobyembre 27, habang makakaharap naman nila ang Iran sa Nobyembre 29.

Advertisement