Apat na katao ang nasawi habang ilang iba pa ang nasugatan sa magkakasunod na pag-atake ng mga drone malapit sa kabisera ng Sudan na Khartoum nitong Linggo, Nobyembre 22.
Pinaniniwalaang kagagaling ang mga drone sa paramilitary group na Rapid Support Forces (RSF), na tumarget sa ilang lugar kabilang ang residential areas. Napinsala rin sa insidente ang isang gusali ng United Nations.
Batay sa mga ulat, tatlong magkakahiwalay na drone attacks ang naitala sa mga lugar malapit sa Khartoum. Una nang nakarinig ng mga pagsabog ang mga residente madaling araw habang tinatangka ng militar ng Sudan na harangin ang mga drone na posibleng naglalayong umatake sa mga pasilidad ng pamahalaan, kabilang ang Khartoum International Airport.
Tatlo ang nasawi at siyam ang sugatan sa lungsod ng Omdurman matapos tamaan ng drone ang isang residential area. Samantala, isang sampung taong gulang na batang lalaki naman ang nasawi sa Jebel Aulia matapos tamaan ng drone ang bahay ng isang opisyal ng mosque.
Kinumpirma rin ni UN Humanitarian Coordinator Denise Brown na napinsala ang isang pasilidad ng United Nations habang naroon ang ilan sa mga tauhan nito.
Ayon sa Sudanese Army, nagmula umano sa Bahir Dar Airport sa Ethiopia ang mga drone na ginagamit ng RSF. Mariin naman itong itinanggi ng pamahalaan ng Ethiopia at itinangging pinahihintulutan nilang gamitin ng grupo ang kanilang teritoryo sa mga pag-atake.
Samantala, nagpapatuloy na rin ang akusasyon ng pamahalaan ng Sudan laban sa RSF kaugnay ng pagpatay sa mga nahuling sundalo sa Blue Nile State, na tinawag nilang paglabag sa international humanitarian law.
Tatlong taon nang nagpapatuloy ang labanan sa pagitan ng RSF at militar ng Sudan mula nang sumiklab ang digmaan noong 2023. Tinatayang 13 milyong katao na ang nawalan ng tirahan, habang ilang lugar sa bansa ang nakararanas ng matinding kakulangan sa pagkain at taggutom.








