Iniulat na lumubog ang isang barkong pandigma ng Russia matapos itong targetin ng mga naval drone ng Ukraine sa daungan ng Benghazi, Libya, ayon kay Ukrainian President Volodymyr Zelensky.
Ayon kay Zelensky, pitong naval drone ang ginamit sa operasyon laban sa Russian corvette na Merkury, isa sa mga bagong barkong pandigma ng Russia. Nawasak din umano sa naturang pag-atake ang isang Ka-27 combat helicopter.
Target din umano ng Ukraine ang MV Angara, isang Russian container ship na pinaghihinalaang ginagamit sa paghahatid ng mga armas. Gayunman, hindi pa matiyak kung ito ang barkong iniulat ng health ministry ng Libya na may mga nasugatan matapos ang insidente sa karagatan malapit sa daungan.
Naganap ang pag-atake habang nakadaong ang barkong pandigma sa Benghazi naval base upang magpakarga ng gasolina at kumuha ng mga suplay bago sana magbalik sa Russia.
Samantala, nagbabala ang Kremlin sa posibleng paglala ng tensyon sa rehiyon ngunit hindi nagbigay ng direktang pahayag tungkol sa naturang operasyon.
Pinuri naman ni Zelensky ang pag-atake bilang matagumpay na hakbang ng Ukraine sa gitna ng nagpapatuloy na digmaan laban sa Russia.








