Posibleng magkaroon ng restriksyon sa pag-aampon ng bagong alagang hayop ang mga pet owner na nagsusuko ng kanilang mga alaga sa ilalim ng susog sa Animal Welfare and Responsible Pet Ownership Ordinance sa Naga City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Dr. Johann Michael R. Sales, Naga City Veterinarian, ipinaliwanag nito ang mga pagbabago sa ordinansa na naglalayong palakasin ang responsibilidad ng mga pet owner at mapabuti ang pangangalaga sa mga hayop.

Ayon kay Sales, kabilang sa mga susog ang mas pinaigting na programa sa Catch, Neuter, Vaccinate and Release o CNVR. Mangangailangan ito ng kooperasyon ng mga barangay, akademikong institusyon at mga animal welfare group upang matiyak ang responsableng pangangalaga sa mga hayop na sasailalim sa programa.

Batay sa datos ng City Veterinary Office hanggang Nobyembre 20, 2026, umabot na sa 1,418 hayop ang sumailalim sa spay and neuter surgery. Kabilang dito ang 1,014 na pusa at 404 na aso.

Advertisement

Nakapagbakuna rin ang City Veterinary Office ng kabuuang 20,736 hayop, na binubuo ng 15,588 aso at 5,148 pusa.

Dagdag pa ni Sales, kabilang din sa mga susog ang pagpapataw ng multang P300 kada hayop sa mga mapatutunayang lalabag sa mga probisyon ng ordinansa, kabilang ang mga insidenteng may kaugnayan sa pagkagat o pagkalmot ng hayop.

Ipinaliwanag din niya na sa pagsuko ng isang alagang hayop, magkakaroon ng kasunduan sa pagitan ng pet owner, barangay at City Veterinary Office hinggil sa mga responsibilidad sa nasabing hayop.

Bahagi ang mga pagbabagong ito ng mga hakbang ng pamahalaang lungsod upang makahanap ng pangmatagalang solusyon sa patuloy na pagdami ng mga ligaw na hayop, sa halip na umasa lamang sa impounding o paghuli at pagkulong sa mga ito.

Advertisement