Ibinahagi ni Lichelle Mayliagas, na nakamit ang TOP 2 sa 2026 Licensure Examination for Teachers (LET), ang mga estratehiya, sakripisyo, at paghahandang naging bahagi ng kanyang tagumpay sa katatapos na pagsusulit.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga Kay Leschell Mae L. Llagas | Top 2 in the 2026 Licensure Examination for Teachers, ipinahayag nito ang labis na kasiyahan at pasasalamat sa kanyang naging resulta, na iniuugnay niya sa kanyang mga panalangin at masusing paghahanda.
Ayon sa kanya, isa sa mga pangunahing hakbang na isinagawa bago simulan ang pagrerepaso ay ang pag-aaral sa Table of Specifications (TOS) upang matukoy ang mga paksang saklaw ng pagsusulit at ang bilang ng mga tanong na nakalaan sa bawat isa.
Hindi rin naging madali ang kanyang paghahanda dahil nakaranas siya ng pagkapagod at pagkasawa sa gitna ng masinsinang pagrerepaso. Gayunman, nanatili siyang determinado at hindi sumuko sa kabila ng mga hamon.
Samantala, itinuring ni Llagas na pinakamahirap na bahagi ng pagsusulit ang General Education (GenEd) dahil sa lawak ng mga asignatura at paksang kailangang pag-aralan at tandaan, sa kabila ng limitadong bilang ng mga tanong na inilaan sa bawat asignatura.
Binigyang-diin nito na hindi dapat maliitin ang propesyon ng pagtuturo sapagkat nangangailangan ito ng malaking pagsisikap, dedikasyon, at pananagutan.
Pinayauhan naman niya ang mga nagnanais kumuha ng kursong Education na paghandaan ang mga hamong kaakibat ng propesyon at tiyaking buo ang kanilang kagustuhang tahakin ang landas ng pagtuturo.
Para naman sa mga susunod na kukuha ng LET, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng malinaw na layunin, masusing paghahanda, at pananatiling nakatuon sa pangarap sa kabila ng mga pagsubok.
Ang tagumpay ni Llagas ay hindi lamang sumasalamin sa kanyang sariling pagsisikap at determinasyon, kundi maging sa sama-samang panalangin, suporta, at pagtitiwala ng mga taong naging bahagi ng kanyang paglalakbay tungo sa pagiging isang ganap na lisensiyadong guro.








