NAGA CITY – Nakumpiska ang aabot sa P10 milyong halaga ng marijuana sa isang online seller sa bayan ng Milaor, Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMAJ Rosalinda Moises, OIC ng Milaor Municipal Police Station, sinabi nito na ikinasa nila ang buy-bust operation sa Zone 2. Barangay Maydaso, sa nasabing bayan, na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek na si Alias Ray, 21 taong gulang at residente ng Brgy. Cruz, Naga City.
Narekober mula sa suspek ang tinatayang 8.1 gramo ng hinihinalang marijuana na nagkakahalaga ng P9.750 milyon.
Naaresto ang suspek na itinuturing na High Value Target matapos magbenta ng isang (1) brick ng hinihinalang tuyong dahon ng marijuana na may bunga, tinatayang may bigat na 1 kilo, sa isang pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng Php10,000. bilang buy bust money.
Bukod dito, binebenta rin ng suspek ang nasabing ilegal na droga online.
Samantala, noong Abril, nagsagawa rin ng buy-bust operation kung saan nasamsam din ang nasa P500,000 halaga ng shabu.
Kaugnay nito, Umapela ang opisyal sa mga residente na kung may impormasyon tungkol sa mga ilegal na aktibidad sa bayan, agad na i-report sa kanilang tanggapan upang agad itong maresolba lalo pa’t ang Milaor ay itinuturing na drug-free municipality.