Muling nagbalik sa ensayo sa clay courts ng Foro Italico ang Filipina tennis star na si Alex Eala isang araw matapos ang kanyang dramatic three-set comeback victory laban kay Magdalena Fręch sa Italian Open.
Nag-training ang 20-anyos na si Eala sa Court 7 kasama ang kanyang coaches mula sa Rafa Nadal Academy na sina Joan Bosch at Lluc Bauza. Tumagal ng halos isang oras ang kanyang ensayo kung saan nakatuon ang kanyang pagsasanay sa serve at returns, na naging susi sa kanyang panalo sa nakaraang laban.
Dinagsa ng mga manonood ang paligid ng court habang nagsasanay ang Filipina tennis star, na patuloy na umaani ng atensyon at sumisikat bilang isa sa mga pinakapopular na manlalaro sa torneo ngayong linggo.
Kasabay ng kanyang training session, nagsasanay rin sa mga kalapit na court ang ilang kilalang tennis players tulad nina João Fonseca, Coco Gauff, Daniil Medvedev, at Felix Auger-Aliassime.
Pagkatapos ng ensayo, lumahok din si Eala sa promotional shoots ng tournament media bago naglaan ng oras para sa selfies at autograph signing kasama ang kanyang mga fans.














