Maagang natapos ang kampanya ni Alex Eala sa French Open matapos siyang talunin ni Iva Jovic sa straight sets, 6-4 at 6-2, sa unang round ng torneo nitong Martes.

Mabilis na nakontrol ni Jovic ang unang set matapos umabante sa 5-1 lead laban sa Filipina tennis star.

Nakabawi naman si Eala nang manalo sa tatlong sunod na laro upang mapaliit ang agwat, ngunit agad ding nabawi ni Jovic ang momentum upang tuluyang makuha ang unang set sa iskor na 6-4.

Sa ikalawang set, si Eala ang unang nakapuntos bago nanalo si Jovic sa sumunod na dalawang laro.

Advertisement

Nakakuha pa ng isang laro si Eala ngunit tuluyan nang humiwalay si Jovic matapos dominahin ang natitirang bahagi ng laban hanggang sa matapos ang set sa 6-2.

Kasalukuyang world no. 17 si Jovic na 18-anyos pa lamang, habang si Eala, na kamakailan lamang nagdiwang ng kanyang ika-21 kaarawan, ay nasa world no. 37 ranking.

Sa kabila ng pagkakatanggal sa singles competition, magpapatuloy pa rin si Eala sa doubles tournament kasama si Victoria Mboko sa clay-court Grand Slam.

Advertisement