Tuloy ang paghahanda ng Pinay tennis star na si Alex Eala para sa French Open matapos kumpirmahing lalahok siya sa Internationaux de Strasbourg sa France mula Mayo 17 hanggang 23.

Daraan muna sa qualifying round si Eala upang makapasok sa main draw ng WTA 500-level tournament, kung saan siya ang top seed sa qualifiers.

May posibilidad din siyang makapasok diretso sa main draw kung sakaling may umatras na kalahok bago magsimula ang torneo.

Kabilang sa mga nasa main draw ng kompetisyon ang mga kilalang players na sina Madison Keys, Leylah Fernandez, Emma Navarro, at Maria Sakkari.

Advertisement

Galing si Eala sa magandang kampanya sa Italian Open kung saan umabot siya sa third round ng singles competition.

Sa kanyang huling laban, nagpakita siya ng matinding resistensya laban sa world No. 2 at Australian Open champion na si Elena Rybakina bago yumuko sa iskor na 4-6, 3-6.

Patuloy ang paghahanda ni Eala para sa kanyang kampanya sa French Open na gaganapin mula Mayo 24 hanggang Hunyo 7 sa Paris.

Advertisement