Nilinaw ng Alkalde ng Tinambac, Camarines Sur, na hindi biktima ng pang-aabuso ang batang sumulat ng viral na liham, habang patuloy ang imbestigasyon at tulong ng DSWD at MSWD sa Redeemer Homeless Mission para matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga batang naninirahan dito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Mayor Edward Albert “Bobit” Prades, sinabi ng alkalde na nagpunta nitong Martes ang mga kawani ng national at provincial DSWD at MSWD ng Tinambac upang kumustahin ang mga bata at kanilang mga magulang, at magbigay ng tulong. Ayon sa kanya, hindi niya personal na nakausap ang batang sumulat ng liham, ngunit tinalakay ito sa sesyon ng Sangguniang Bayan nitong Martes.
Aniya, nag-ugat ang liham sa reklamo ng ilang barangay officials patungkol sa Redeemer Homeless Mission sa Barangay Caloco, Tinambac, na tila may irregularities. Bilang tugon, pinasa ng alkalde ang sulat ng mga barangay officials noong Enero tungkol sa legal documents at iba pang permits ng nasabing bahay ampunan, at ipinasa ito sa nararapat na mga opisina hanggang sa central office ng DSWD.
Ayon sa imbestigasyon, nagsimula ang bahay ampunan sa Quezon City noong pandemya at inilipat sa Barangay Caloco noong 2021, kaya naisama rin ang mga bata sa relocation. Base sa imbestigasyon, wala pa umano itong Certificate of Registration and License to Operate (CRLTO) mula sa DSWD, na kinakailangan upang maging legal na bahay ampunan.
Makalipas ang naging paunang imbestigasyon tungkol sa bahay ampunan, noong Marso 24–26, nagtungo ang MSWD at DSWD sa lugar upang magsuri ng kalagayan ng mga bata, magbigay ng tulong, at magdala ng mga doktor para sa health check-up ng mga nakatira.
Samantala, noong Marso 30, nagkaroon ng parada ang isang batang hindi taga-Tinambac na naninirahan sa bahay ampunan, na siya ring nag-viral sa social media. Nilinaw ng alkalde na ang batang ito ay hindi kabilang sa mga alleged rape victims na naganap noong 2018 at 2022. Wala rin umano itong rekord ng pang-aabuso, ayon sa otoridad. Ang liham ng bata ay naugnay lamang sa kaso ng rape na kinasangkutan ng ibang bata, na tinawag na “Ivy,” ngunit hindi sila magkapatid biologically.
Samantala, hindi itinanggi ng alkalde na may nangyaring rape sa bayan. Ang suspek sa 2022 na insidente ay sumuko noong 2023 at kasalukuyang nakakulong sa Tinangis, Camarines Sur, habang nagpapatuloy ang paglilitis sa RTC sa Calabanga. Ang kaso naman noong 2018 ay at large pa, ngunit nagkaroon ng pag-aareglo sa pagitan ng magkabilang panig sa bahay ng alkalde noong 2023.
Aniya, tila binubuhay ng viral na liham ang lumang mga kaso na settled o near-settlement na. Walang bagong rekord ng pang-aabuso sa bayan at ito umano ang huling tala sa kasalukuyan.
Dagdag pa ng alkalde, agarang binigyan ng masusing imbestigasyon ang insidente noong Marso matapos ang direct order mula sa Pangulo. Patuloy ang follow-up visits sa Redeemer Homeless Mission upang masuri ang kalagayan ng mga bata at ng kanilang pamilya. Sa kasalukuyan, 18 bata ang naninirahan sa bahay ampunan kasama ang kanilang mga magulang, habang tatlo na lamang ang dayuhan mula sa dating 15–20. Habang ang batang sumulat ng viral na liham ay nasa pangangalaga na ng DSWD Central Office.
Samantala, mayroon pang limang pamilyang nakatira sa bahay ampunan, at sinabing bibigyan ng trabaho ang mga magulang upang masiguro ang maayos na suporta at asistensya sa kanilang mga anak.














