NAGA CITY – Panawagan ngayon ng pamilya ng OFW na namatay sa Turkey Quake na maiuwi ang mga labi nito.
Mababatid, kasama si Wilma Tezcan, tubong Lucena City, sa mga nasawi matapos ang magnitude 7.8 na lindol sa Turkey.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay William Abulad, ang ama ng biktima, sinabi nito na ang ninanais na lamang nila ay matulungan sila ng pamahalaan para maiuwi sa Pilipinas ang bangkay ng kaniyang anak.
Aniya, sakaling matulungan sila ng pamahalaan, magkakaroon sila ng pagkakataon na masulyapan kahit sa huling pagkakataon si Tezcan.
Dagdag pa nito, huli nilang nakausap si Tezcan noon pang Enero nang magbakasyon ito sa Pilipinas noong Bagong Taon.
Samantala, inilarawan ni Abulad ang biktima bilang responsableng panganay na anak.
Sa ngayon, wala pa umano silang nakakausap na maaaring makatulong sa kanila para mangyari ang kanilang kahilingan para mabigyan ng magandang burol ang kanilang anak dito sa Pilipinas.
Si Tezcan ang kasama sa mahigit 21,000 katao na nasawi sa naturang trahedya.