Inaasahang mararanasan pa sa bansa ang epekto ng northeast monsoon o Amihan hanggang Miyerkules, Marso 18, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sinabi ni PAGASA weather specialist Chenel Dominguez na unti-unti nang humihina ang amihan at posibleng mawala pagsapit ng Huwebes. Kapag nangyari ito, inaasahang mas mararamdaman ang init at halumigmig sa bansa.

Ngayong Lunes, magdadala ang amihan ng maulap na kalangitan at mahihinang pag-ulan sa ilang bahagi ng Luzon kabilang ang Bicol Region, Batanes, Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Apayao, Kalinga at Mountain Province.

Sa Metro Manila at ilang lugar sa Luzon, posibleng makaranas ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may panaka-nakang mahinang pag-ulan. Samantala, sa Visayas, Dinagat Islands at Surigao del Norte, inaasahan ang localized thunderstorms. May posibilidad din ng rain showers at thunderstorms sa ilang bahagi ng Mindanao.

Advertisement

Dahil sa epekto ng amihan, nananatiling mababa ang heat index sa bansa at walang lugar na inaasahang aabot sa “danger level” na 42°C hanggang 51°C. Pinakamataas na inaasahan ang 39°C sa Cotabato City, Maguindanao del Norte na kabilang sa “extreme caution” category.

Sa Metro Manila, tinatayang aabot lamang sa 30°C hanggang 31°C ang heat index, na nasa “caution” level.

Sa ngayon, wala ring naitalang gale warning o bagyo sa anumang bahagi ng bansa.

Advertisement