Naghain si Naga City Councilor Omar Buenafe ng isang panukalang ordinansa na naglalayong ipagbawal ang pagsusuot ng face coverings na nagtatago ng pagkakakilanlan ng isang tao sa mga pampublikong lugar, opisina ng gobyerno, at mga komersyal na establisyemento, bilang hakbang para masiguro ang seguridad at mapababa ang krimen sa lungsod.
Ayon sa panukala, na tinawag na Naga City Anti-Identity Concealment Ordinance of 2026, ipinagbabawal ang pagsuot ng mask, balaclava, helmet accessory, o anumang bagay na nagtatago ng mukha ng isang tao habang nasa pampublikong lugar. Kasama rito ang pagtakip sa ulo o helmet habang nakatindig o nakatambay sa motorsiklo sa mga pampublikong lugar.
Naglaan naman ang ordinansa ng mga eksepsyon sa pagsusuot nito lalo na kung ito ay may kaugnayang medikal, relihiyon, kultura, o gamit sa trabaho, tulad ng construction workers at delivery riders na aktibong nagmamaneho, gayundin ang paggamit ng helmet habang mismong nagmamaneho ng motorsiklo.
Itinatakda ng panukala ang mga parusa sa mga lalabag sa nasabing polisiya: babala sa unang paglabag; multa na Php 500 o community service sa ikalawang paglabag; at multa na Php 1,000 o pagkakakulong hanggang 30 araw para sa mga sumunod pang paglabag.
Ayon kay Buenafe, layunin ng ordinansa na mapalakas ang seguridad ng publiko at matulungan ang operasyon ng mga awtoridad sa lungsod, habang tinitiyak na may sapat na konsiderasyon para sa mga lehitimong dahilan ng paggamit ng face coverings.














