Mariing kinondena ng foreign ministers ng Group of Eight Arab-Islamic states ang umano’y ginawa ni Israeli far-right Police Minister Itamar Ben-Gvir sa mga kalahok ng Gaza-bound flotilla habang sila ay nasa Israeli detention.
Sa isang pahayag nitong Linggo, sinabi ng walong bansa—Saudi Arabia, Egypt, Jordan, Qatar, United Arab Emirates, Turkey, Indonesia, at Pakistan—na ang umano’y ginawa ni Ben-Gvir ay malinaw na paglabag sa dignidad ng tao at internasyonal na batas.
Umani ng matinding reaksyon ang insidente matapos mag-post si Ben-Gvir ng video kung saan makikitang tila inaasar niya ang mga aktibistang nakahandusay sa lupa habang nakakulong.
Ang mga detainee, na kabilang sa grupong nagtangkang maghatid ng humanitarian aid sa Gaza, ay nagsabing sila ay sinaktan umano habang nasa detention, bagay na mariing itinanggi ng Israel Prison Service.
Sa kanilang joint statement, tinukoy ng Arab-Islamic states na ang umano’y “deliberate public humiliation” ng mga detainee ay isang “disgraceful assault on human dignity” at paglabag sa obligasyon ng Israel sa ilalim ng international humanitarian law at human rights law.
Patuloy namang umiigting ang internasyonal na tensyon kaugnay ng sitwasyon sa Gaza, kasabay ng mga panawagan para sa mas mahigpit na pagprotekta sa mga sibilyan at humanitarian workers.














